Sunday, 24 August 2014
Hindi nga ba
na lahat ng sobra ay masama? 'Di ka ba malulunod
sa pabugsong paghinga, 'di mabubulag
sa pagtanaw sa ubod-tinding
Liwanag?
Ang katugon ng sanlaksang salitang
bumabalong mula sa iyong bibig
ay kaparehong sukat ng nakabibinging katahimikan.
Paano natin pag-iisahin ang magkawalay
na kalabisan, paano pagtatagpuin
ang dal'wang dulo ng kalawakan,
kung sa isa ay nakalipon
ang lahat nitong mga bituin, mga planeta,
at sa kabila naman
ay Kawalan?
Saturday, 26 July 2014
Sulitin na natin ito
1. Dahil matatapos na ang mahabang bakasyon. Sa mga nakakaraang araw ay paulit-ulit akong nagmumuni-muni, habang nagkukwento ka naman tungkol sa mga bagay na nakikita mo. Hindi ako sigurado kung hanggang kailan tayo makapag-uusap nang ganito, na halos maramdaman ko nang nakadantay ang ulo ko sa balikat mo.
2. Dahil isa itong maiikling pahinga sa paghihintay. Narito tayo, ang nagdaang mga linggo ng pananabik at ang haharaping panahon ng pagkawalay ay wala sa abot ng paningin. Dito, ikaw lamang at ako.
3. Dahil tila may nakaambang pamamaalam. Hindi ko mawari kung paano--pagtalikod, pagbibitiw ng pangako, pagbabago? Natatakot ako. Maaaring mabilis lang na babagsak ang paghatol. Maaaring kasing dali lamang ng pagdilim ng paningin sa isang pagkurap ng mata.
4. Dahil ang mga sandaling ito'y hindi na natin mauulit pa. Nagdaraan tayo sa mga pintuang ikinakandado na mula sa kabilang panig kapag tayo'y nakaraan na.
5. Dahil malapit na ang pagkagat ng dilim. Naaalala kong sinabi mo iyon sa hindi mo pangkaraniwang tinig, at alam kong gaya ko'y pinangangambahan mo na baka tayo man ay abutin ng dilim. Na baka hindi kayang makapagtabi ng kahit kaunting liwanag sa pagitan ng magkadaop nating palad.
Thursday, 24 July 2014
Sa pagluwas
Kasabay ng bawat paghinto
Ang pagkabig, pagtulak. Nasaan na ba tayo?
Paulit-ulit na lang na tumatakbo, naghahabol,
Naghihintay. Ang makipagsapalaran
Sa pagtungong Maynila
Ay tila exodo ng may dalawang mangingibig:
Huwag kang pahuhuli. Ang pabaon
Ng probinsya'y ipakatago-tago; ang karumhan
At kagaslawan ng lungsod
Huwag nang iuwi sa 'yong ama at ina.
Pero saan nga ba
Mapapawi ang walang kapagurang ritmo
Ng paang 'di masumpungan ang kinabukasan?
Sa bulsa ng lumang bag ay marami-rami na
Ang naiipong tiket. Saan nakarating,
At saan patutungo?
Sadya nga bang sa gitna ng daan,
Sa gitna ng ibang kapwa naghahanap - doon
Ang takbuhan natin, ng walang mapanahanan?
Mabuti pa ang magmaneho -
May tugon ang bawat preno at bawat pagpihit
Sa manibela. Saanmang kalye o kalsada,
Saanmang sulok ng Maynila,
May bubong at may apat na haligi, may kawangis
Ang tahanan. Hindi nga ba?
Sapagkat masyadong mabilis para sa akin
Itong biyahe, pagtigil natin sa Cubao marahil
Ay hindi ko pa napupunas
Ang aking mga luha.
Ikaw, kaibigan,
saan
ka
bababa?
Ayaw kong maging matalino, gaya mo
1. Kasi alam mong hindi sapat na dahilan ang pagod o puyat o inis para mabigyang katwiran ang mga pagkakamali mo. Sa bawat pagkakataong wala kang ibang bagay na iisipin, guguluhin ka ng paulit-ulit na pagtatanong, "Bakit?" Bakit mo pa ginawa iyon kahit labag sa katwiran o prinsipyo? Bakit noon, bakit doon, bakit sa kanya, bakit? Bakit?
2. Kasi kahit na makapagpatawad ka, hindi ka makakalimot. Alam mo na bago pa man mangyari na mayroong magbabago o mawawala. Alam mo kung may lamat na ang pagsasamahan, at pahihirapan ka ng kaalaman na pinauubra mo ang may sira na.
3. Kasi kaya mong maipagkaiba ang tama sa mali. Malungkot makita na mas maraming mali kaysa tama.
4. Kasi laging magtatalo ang naiisip at nararamdaman. Madalas na matatalo ang puso, pero kahit alam mong katwiran ang pinaiiral mo, walang kahit ano na kaya mong gawin ang makapaghahanda sa'yo kung mabigo ka, bumagsak, masaktan.
5. Kasi kahit alam mo ang paraan kung paano makalulutas ng mga problema, hindi mo rin magawa, lalo na't alam mo rin kung ano lang ang mga pamamaraan na abot-kamay mo. Batid mo kung gaano ka kaliit, kung gaano kahirap na mapansin.
6. Kasi mahirap magpanggap sa kinagabihan na paggising mo sa umaga ay magiging maayos na ang lahat.
7. Kasi may sarili kang mga batayan at pagkilala sa pag-ibig. Malalim ang mga ugat ng emosyon. Sinumang mapili mong mahalin, mahihirapan kang pakawalan.
~~
Subscribe to:
Comments (Atom)